MALUGOD na tinanggap ng House prosecution ang pagbasura ng Korte Suprema sa tatlong petisyon na kumukuwestyon sa interpretasyon ng Senate impeachment court hinggil sa two-third voting threshold para ma-convict si Vice President Sara Duterte.
“We welcome the ruling. It allows the trial to proceed without delay and keeps the focus where it belongs—on the evidence already before the Senate Impeachment Court,” wika ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Ayon kay Alonto Adiong, ang pagpapawalang-saysay ng high tribunal sa tatlong petisyon laban sa bagong voting threshold ay base sa technical grounds, kabilang ang prematurity at lack of legal standing.
Gayunpaman, nilinaw ng Lanao del Sur solon na hindi nakatuon ang prosekusyon sa tugon ng Supreme Court decision, kasabay ng giit na tungkulin ng panig ng tagausig ang pagprisinta ng mga ebidensya at pagtibayin ang inihaing impeachment charges laban sa bise presidente.
“The duty of the prosecution in an impeachment trial is clear: to present evidence, examine witnesses, and prove the allegations in the Articles of Impeachment so the Impeachment Court may determine whether the respondent remains fit to hold public office,” ani Alonto Adiong.
Kumbinsido naman si House prosecutor at Bicol Saro partylist Rep. Terry Ridon na wala nang hadlang para ipagpatuloy ang paglilitis hanggang sa paglabas ng hatol ng impeachment court.
“Malinaw ang direksyon: hayaan nating gawin ng Senate impeachment court ang trabaho nito at tapusin ang prosesong itinakda ng Konstitusyon. Ang mahalaga ngayon ay ipagpatuloy ang paglilitis hanggang sa paghatol — conviction man o acquittal,” ayon pa kay Ridon.
Umaasa rin ang House prosecutor na titigil na ang ilang grupo at indibidwal sa pagdulog sa Korte Suprema, na ang tanging layunin lang aniya ay pigilan ang pag-usad ng impeachment proceedings.
“Sa halip na ubusin ang panahon sa mga petisyong hahadlang sa paglilitis, mas mabuting hayaang umusad ang proseso. Sayang ang papel, sayang ang mga puno. Ang paglilitis ay tuloy, at handa ang prosekusyon na patuloy na ilatag ang aming ebidensya,” sambit ni Ridon.
“Sa dulo, ang ebidensya ang dapat magsalita. Hayaan nating matapos ang paglilitis at hayaan nating magpasya ang Senate impeachment court batay sa ebidensyang nasa harap nito.”
