HINDI pinalampas ni Senador Raffy Tulfo ang umano’y sobrang dami ng testigong nais iharap sa paglilitis ng mga kinakaharap na kaso ni Vice President Sara Duterte.
Hayagan din pinaalalahanan ni Tulfo ang mga miyembro prosekusyon na maging maingat sa pagpili ng mga testigong nais iharap sa impeachment trial.
Katunayan aniya, may mga pagkakataon nauubos ang oras na inilaan sa paglilitis dahil sa pagpiprisinta ng mga testigong hindi naman aniya kailangan at walang kinalaman sa itinakdang paksa sa pagdinig.
“Kung minsan, ‘yung prosecution, sorry, pumapalakpak kayo. There are times na naglalagay kayo ng mga witnesses dito na hindi naman kailangan talaga nagsasayang lang tayo ng oras,” wika ni Tulfo.
Kung kukuha aniya ng testigo ang prosekusyon, dapat umanong tiyakin muna na makakatulong sa pagdinig ng impeachment court.
“Meron pa ngayon kinuha na pinagtawanan tuloy, nagpapa-cute lang habang may kausap na witness na pulis. So ingat kayo sa pagkuha ng mga witness at ingat sa pagsalang ng mga abogado ninyo diyan,” aniya pa.
Una nang inirekomenda ni Tulfo na unahin iharap si dating Senador Antonio Trillanes bilang witness ng prosekusyon bago ang kinatawan ng Anti-Money Laundering Council.
Ayon kay Tulfo, si Trillanes ang pinagmulan ng isyu hinggil sa bank accounts na iniuugnay kay Duterte.
