November 5, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

PAGBAWI NG MARCOS ILL-GOTTEN WEALTH, IBINASURA NG SANDIGAN

TULUYANG ibinasura ng Sandiganbayan Fourth Division ang petisyong inihain ng mag-inang Imelda Marcos at Irene Marcos-Araneta para mabawi ang mga nasa P200-bilyong halaga ng mga pag-aaring nasa kustodiya ng Presidential Commission on Good Government (PCGG).

Sa 40-pahinang resolusyon, “lack of merit” ang naging tugon ng Sandiganbayan sa giit ng mag-inang Marcos na ibalik na sa kanila ang nasa P55 milyong frozen trust account at iba pang pag-aaring di natitinag (real property) na una nang idineklarang ill-gotten wealth ng PCGG.

Giit ng mag-inang Marcos, taong 2019 pa dinismiss ng Korte Suprema ang Civil Case 0002. Gayunpaman, nanindigan ang Sandiganbayan na iba ang dismissal ng kaso at ang pagbawi ng naimbargong “ill-gotten wealth.”

Paglilinaw ng Sandiganbayan, hindi pa “final and executory” ang pasya ng Mataas na Hukuman.

Agosto ng nakaraang taon nang pormal na hilingin ng batang Marcos na ibalik sa kanila ang yaman ng pamilya, kabilang ang mga kusang isinurender na pag-aari sa bisa ng isang compromise agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng mga Marcos – mga frozen trust accounts, at yaong nasa pag-iingat at wala sa kustodiya ng PCGG.

Hinikayat rin ng Sandiganbayan ang PCGG na i-apela ang naging pasya ng Korte Suprema sa ibinasurang Marcos “ill-gotten wealth.”

“The fact that more than three decades have passed before the said case was decided is not a good reason considering that numerous factors have contributed to said length of period,” saad sa isang bahagi ng resolusyon akda ni Sandigan Fourth Division chair Associate Justice Michael Frederick Musngi. Kabilang rin sa lumagda sa pagbasura ng hiling ng mag-inang Marcos na mabawi ang nakumpiskang yaman sina Associate Justices Maria Theresa Mendoza-Arcega at Maryann Corpus-Mañalac.