
INALMAHAN ng isang dating kongresista ang pagkalakad ni Senador Ronald dela Rosa sa Liberal Party na di umano’y salarin sa likod ng napipintong pagpasok at imbestigasyon ng International Criminal Court sa (ICC) kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon.
“The Liberal Party is not connected to the case before the ICC. Please focus on your job to pass laws instead of making baseless accusations,” tugon ni dating Ifugao Rep. Teddy Baguilat sa pahayag ni dela Rosa sa isang panayam sa telebisyon. Paratang ni dela Rosa, LP kasama ang iba pang makakaliwang grupo ang nasa likod ng kautusan ng ICC para sa muling pagsipa ng imbestigasyon sa madugong drug war sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ang nagtutulak ng ICC ay ang mga pamilya ng mga biktima ng EJK. Hindi kami. They are simply looking for justice which the state has denied to their relatives,” ayon pa sa katutubong dating mambabatas.
Para kay Baguilat, hindi pwedeng pagbuntunan ng sisi ng senador ang mga naulilang pamilya ng mga biktimang dumulog sa ICC, dahil na rin aniya walang nakikitang pag-asang makamit pa ang hustisya sa sinapit ng kanilang mga pinaslang na kaanak.
Paniwala ng dating kinatawan sa Kamara, diversionary tactic lang ang ginagawa ni dela Rosa sa hangaring makaiwas sa imbestigasyon.
“Have you contributed policies to improve our justice system?,” pasaring pa niya.
Bukod kay Duterte, kabilang rin sa mga nakatakdang imbestigahan ng ICC ang mga pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng direktiba ng noo’y Pangulong Duterte. Si dela Rosa ang PNP chief mula 2016 hanggang 2019.