Ni ESTONG REYES
MATAPOS ganap na maluklok bilang presidente ng Partido Demokratikong Pilipino (PDP), agad na nagpaandar si Senador Robin Padilla.
Sa isang pahayag, puntirya agad ni Padilla balasahin ang partido. Bilang pambungad, hinihiling ni Padilla kay Senador Francis Tolentino– na tumatayong Vice-President for Luzon – na magbitiw bilang kasapi ng partido matapos tanggapin ang pwesto bilang Senate Majority Floor Leader.
Paliwanag ni Padilla, mas mapagtutuunan ni Tolentino ang hamon na kalakip ng bagong tungkulin nang hindi na kailangan pang manimbang sa pagitan ng mandato at kinabibilangang partido.
Nilinaw ni Padilla na nananatili ang kanyang tiwala kay Tolentino na aniya’y may sapat na kwalipikasyon at karanasan sa lehislatura.
“Dahilan sa bagong mandato na inyong hinaharap sa Senado, buong pagpapakumbaba kong iminumungkahi na marahil po ay mas makabubuti ang iyong pagbibitiw bilang opisyal at kasapi ng PDP-Laban,” pahayag ni Padilla sa kanyang liham kay Tolentino.
“Sa ganang akin po lamang, ang mungkahing ito po ay upang maiwasan din natin ang pagkuwestyon, kung magkakaroon man, sa ating pagiging patas sa pagtugon sa mga isyu, lalo sa mga usaping pampulitikal,” dagdag pa niya.
