KASUNOD ng price freeze na sumipa para sa mga prime commodities sa mga lugar na lubhang apektado ng bagsik ng bagyong Carina, agad na isinunod ng gobyerno ang mga gamot sa bawal muna patawan ng dagdag-presyo.
Sa isang kalatas, naglabas ang Department of Health (DOH) ng talaan ng mga gamot na sakop ng price freeze sa mga lugar na binayo ng sungit ng bagyo.
Kabilang sa mga tinukoy na lugar ng DOH ang Metro Manila, Batangas, Cavite, Bataan, Bulacan, Cainta sa Rizal at Pinamalayan sa Oriental Mindoro.
Panawagan ng kagawaran, agad na itawag sa mga DOH hotline na (632) 8651-7800 local 5003-5004; (632) 165-364 ang mga mapagsamantalang negosyanteng lalabag sa direktiba ng ahensya.
Pasok sa talaan ng mga gamot sa saklaw ng price freeze ang paracetamol, anti-asthma, antihistamines, antibiotic, vitamins, antidiabetic at gamot sa high blood.
