SA gitna ng usap-usapan hinggil sa umano’y pagkakadakip ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa, itinanggi ng National Bureau of Investigation na nasakote ng ahensya ang puganteng mambabatas sa isang hotel sa Davao City.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, hindi pa rin natutunton ang kinaroroonan ni Dela Rosa — “Hindi. Sa amin, wala.”
Maging ang Department of Justice (DOJ), blangko sa kumakalat na balita sa umano’y pagdakip kay Dela Rosa sa ikinasang manhunt operation.
“I cannot confirm that information. At least, not yet. Wala pa po kaming natatanggap na nangyari yan,” pahayag ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez sa isang press briefing.
Taliwas naman sa dating angas at pustura si Interior Secretary Jonvic Remulla nang tanungin hinggil sa pag-aresto sa senador na pakay ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court para sa kasong crimes against humanity.
Ayon kay Remulla, wala pang natanggap na impormasyon ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa naturang ulat.
“As far as the PNP we have no information to that effect,” ani Remulla.
