NAPAPANAHON nang tuldukan ng pamahalaan ang monopolyong lubos na nagpapahirap ng sambayanang Pilipino.
Ito ang panawagan ni Atty. Wilfredo Garrido sa aniya’y kasakiman ng kumpanyang naghahatid ng kuryente sa mga negosyo, kabahayan at maging sa mga tanggapan ng gobyerno.
Partikular na tinukoy ni Garrido ang umano’y monopolyo ng Manila Electric Company (Meralco).
Sa isang Facebook post matapos ang isinagawang pagdinig ng Senado kaugnay ng patuloy na pagtaas ng singil sa kuryente, hayagang kinuwestiyon ni Garrido ang pagtatakip ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco.
Sa naturang pagdinig, hiningan ng paliwanag ang kinatawan ng ERC kung bakit patuloy ang pagtaas na singil sa kuryente, gayung malinaw naman umano na tiba-tiba ang Meralco.
Hindi nasagot ng ERC kung bakit hindi pa rin ibinabalik ng Meralco ang nasa P41-bilyong “overcollection” sa mga consumers, gayundin ang umano’y “over-recoveries” na nakakubli sa iba’t ibang charges sa buwanang Meralco bill.
Para kay Garrido, walang kabusugan ang Meralco na aniya’y kumikita sa dalawang paraan. Bukod aniya sa distribution charges, kumikita rin ang Meralco nqa bumibili ng enerhiya sa power generation companies na pag-aari din ng Meralco — ang Meralco PowerGen Corp. (MGen).
Sa buong Southeast Asia, Pilipinas ang may pinakamataas na singil sa kuryente.
