PARA kay House prosecutor at Manila Rep. Joel Chua, higit na mahalaga ang paglabas ng katotohanan at pagsusulong ng pananagutan sa paggulong ng pagdinig ng senado sa bisa ng impeachment trial.
“For months, the public has heard allegations, denials and political commentary. The Filipino people will finally see the impeachment process do what it was designed to do—hear the preliminaries and evidence in the succeeding days,” pahayag ni ni Chua.
“Kung may paliwanag, doon ito dapat iharap. Kung may ebidensya, doon ito dapat marinig. Ang impeachment court ang itinakdang lugar ng Konstitusyon para rito,” paliwanag ng kongresista.
Kaya naman, sa mga susunod na araw ay maaari na aniyang maiprisinta ng prosekusyon ang mga paunang testigo, partikular sa inihaing Article IV, na nag-aakusa kay Vice President Sara Duterte ng “culpable violation of the Constitution” matapos ang ginawang pagbabanta sa buhay nina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at former Speaker Martin Romualdez.
Kabilang sa mga testigong lumutang sina National Bureau of Investigation (NBI) Bangsamoro Regional Director Atty. Jeremy Lotoc, NBI Cyber Investigation and Assessment Center Senior Agent John Mark Calilung, at Legislative Security Bureau Executive Director Capt. Belinda Bello.
“Hindi ito paramihan ng tao. Hindi ito paramihan ng ingay. Ang mahalaga ay kung ano ang mapapatunayan sa pamamagitan ng records, mga dokumento at testimonya,” ayon pa kay Chua.
Tiniyak din ng House prosecutor na handa ang prosekusyon sa pagpresenta ng kaso, kasabay ng panawagan na hayaan ang proseso alinsunod sa Saligang Batas.
“Ang hinihiling lang namin ay mabigyan ng pagkakataon na mailatag nang maayos ang aming mga ebidensya. May karapatan ang depensa na sumagot at may karapatan ang taumbayan na malaman ang katotohanan,” diin pa ni Chua.
“As prosecutors, our responsibility is to present the evidence entrusted to us before the impeachment court and allow the constitutional process to take its course,” dugtong ng mambabatas.
“The Filipino people deserve to hear the facts, examine the records and judge the case based on the evidence presented in court.”
