PINOY trespassing sa dagat ng Pinas?
Hindi na sapat para sa China ang pambobomba ng mga sasakyan ng Pilipinas gamit ang water cannon matapos gawaran ng kapangyarihan ang Chinese Coast Guard na dakmain at ikulong ang mga ‘dayuhang’ papasok sa inaangking teritoryo.
Sa ulat na unang lumabas sa South China Morning Post, lumabas ang bagong polisiya ng China matapos ang paglalayag ng hindi bababa sa 100 bangkang bahagi ng civilian convoy sa West Philippine Sea para igiit ang karapatan ng mga Pilipino sa loob ng 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ).
Ayon sa ulat ng South China Morning Post, bahagi ng inaprubahan polisiya ang 60-araw ng pagkakulong sa mga di umano’y trespasser.
Gayunpaman, nagkibit-balikat lang si Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang tinawag niyang pananakot ng China.
“These are things na masasabi na nating ilegal na aksyon na naman ng China. The mere fact that they claim full sovereignty over our own exclusive economic zone at ang dyina-justify lang naman nila is yung imaginary nine-dash line nila,” pahayag ni Tarriela.
Hindi rin kumbinsido si Tarriela sa kakayahan ng Chinese Coast Guard sa aniya’y anumang hakbang na magsisilbing mitsa para magalit ang buong mundo – kabilang ang Estados Unidos, Japan at Australia, sa pagsisiga-sigaan ng China.
“I don’t think China is really serious in doing this because mas malaki ang magiging backlash nito sa kanila bilang isang bansa and most likely more countries would really criticize and stand up against this kind of illegal domestic law that they passed without considering the implication on international law,” dagdag pa ni Tarriela.
Samantala, hinikayat ng isang militanteng kongresista ang pamahalaan na magsampa ng bagong diplomatic protest laban sa bagong polisiya ng China sa inaangkin West Philippine Sea.
Para kay ACT-Teachers partylist Rep. Pilipinas – at hindi China ang may karapatan para arestuhin ang mga dayuhan sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
“This is highly condemnable and is not even legal. China has no right to impose such a regulation. If any country has a right to arrest foreigners, it is the Philippines,” wika ni Castro.
Aniya pa, pinapalala lang ng China ang sitwasyon sa West Philippine Sea – dahilan para manghimasok ang Estados Unidos sa bisa ng Mutual Defense Treaty na nilagdaan ng Pilipinas sa naturang bansa.
Napapanahon na rin ani Castro maghain ng bagong kaso ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration at sa United Nations.
