MAS lalong tumibay ang pagnanais ng panig ng tagausig na maisalang bilang hostile witness si Atty. Zuleika Lopez, ang chief of staff ng akusadong si Vice-President Sara Duterte.
Ayon kay House impeachment adviser at spokesperson Robert Ace Barbers, kapansin-pansin sa ginawang cross-examination ng depensa ang paglabas ng isang video clip kung saan nabanaag ang emosyonal na reaksyon ni Lopez tungkol sa sinasabing relasyon sa bise-presidente.
“Napansin namin na malaking bahagi ng cross-examination ay umikot kay Atty. Zuleika Lopez—sa kanyang reaksyon, sa kanyang ugnayan sa Vice President, at sa mga pangyayaring nakapaligid sa mga pahayag na naging sentro ng kasong ito,” wika ni Barbers.
“Kung ang mismong depensa ay nakikitang mahalaga ang mga usaping iyon upang maipaliwanag ang konteksto ng mga naging pahayag, lalo lamang nitong ipinakikita na si Atty. Lopez ay isang material witness na may personal na kaalaman sa mahahalagang pangyayari,” dugtong ng dating kongresista.
Para sa veteran Mindanaoan lawmaker, hindi ang prosekusyon ang naglantad ng nasabing isyu sa Senate impeachment court.
“Hindi kami ang naglagay sa mga isyung ito sa sentro ng paglilitis. Ang depensa mismo ang naglaan ng malaking oras sa pagtatanong tungkol sa kanya,” giit ni Barbers.
“Kapag ang isang panig ay paulit-ulit na bumabalik sa isang tao, sa kanyang reaksyon, sa kanyang relasyon sa akusado, at sa mga pangyayaring nakapaligid sa insidente, kinikilala nilang may mahalagang papel ang taong iyon sa pagbuo ng buong larawan ng nangyari,” dagdag niya.
Kumbinsido rin aniya ang lupon ng tagausig na may mahalagang impormasyon si Lopez na makakatulong para lubos na maunawaan ang factual context sa public statement ng bise presidente.
“Kung ang depensa mismo ang nagbukas ng mga tanong na si Atty. Lopez lamang ang makapag paliwanag batay sa kanyang personal na kaalaman, mas lalong mahalagang marinig ang kanyang testimonya,” sambit ni Barbers.
“Ang impeachment ay paghahanap ng katotohanan. At ang pinakamainam na paraan upang malaman ang katotohanan ay pakinggan ang mga taong may personal na kaalaman sa mga pangyayaring pinag-uusapan. Kung ang sariling direksyon ng cross-examination ng depensa ay nagpapakitang mahalaga si Atty. Lopez, naniniwala kaming nararapat lamang na marinig din siya ng Impeachment Court.”
