MATAPOS maglabas ng bagong polisiya ang Office of the Ombudsman hinggil sa pagsasa publiko ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth, nakatakda naman ikasa ng Kamara ang panuntunan bilang gabay sa hanay ng mga kongresista.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, higit na angkop suportahan ng Kongreso ang pagtataguyod ng transparency at accountability sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno.
Bilang patunay, ibinahagi ni Dy ang planong pangunahan ang paglalabas ng SALN sa paniwalang tutugon ang iba pang mambabatas kung may huwarang susundan.
“Sa tingin ko, magandang mapag-usapan yan. During our break, pag-uusapan naming mabuti para makapag labas kami [ng malinaw na patakaran kung paano namin ipapakita] ang suporta sa paglalabas ng aming mga SALN,” wika ng House Speaker.
“Actually, hindi naman formal na napag-uusapan pero yung usap-usapan ng mga miyembro ng House, willing naman sila,” dugtong niya.
Ayon kay Dy, dati ay bukas sa pagbusisi ng publiko ang SALN ng mga mambabatas at naniniwala siyang dapat ibalik ito.
“Noong panahon natin, open naman para makita ng publiko yung ating SALN. Hintayin na lang natin kung ano pa yung mga susunod na kautusan para talagang maging transparent at maipakita ang SALN ng bawat mambabatas,” dagdag ng House Speaker.
Samantala, sa tanong kung handa siyang pangunahan ang paglalabas ng kanyang SALN, ang sagot ni Speaker Dy ay “kung kinakailangan, siyempre, lead by example tayo.” (ROMER R. BUTUYAN)
