KINATIGAN ni House Speaker Faustino Dy III ang pagsusulong na maging bukas sa publiko at magkaroon din ng livestreaming ang bicameral conference committee meeting bilang bahagi ng proseso sa pag-apruba ng panukalang P6.793-trillion 2026 national budget.
“Yan din naman ang gusto namin ever since noong tayo ay na-elect bilang Speaker. ‘Yan ang ating commitment sa ating mga kababayan — maging accountable and transparent yung ating budget for next year,” wika ni Dy sa isang panayam sa radyo.
Aniya, una nang nagpatupad ng mga reporma ang Kamara para tiyaking “transparent” ang paghimay sa proposed national budget kung saan kabilang sa proseso ang pagbuo sa Budget Amendment and Revision Subcommittee (BARSc), kapalit ng dating “small committee” na siyang magsasagawa ng pag-amyenda sa General Appropriations Bill (GAB) bago isalang sa plenary deliberations.
“Kaya naman doon din naitatag ang BARSc — unang pagkakataon na naging mas bukas at transparent ang ating pagdinig sa budget. Kasi nakikinig din po kami sa mga kahilingan at daing ng ating mga civil society kung paano pa po natin maibabalik ang pagtitiwala ng ating mga mamamayan. Yan naman ang gusto namin — ang atin pong Kongreso ay pagkatiwalaan nila,” dugtong ni Dy.
Ginawa ng Isabela solon ang pahayag bilang tugon na rin sa panawagan magkaroon ng live-streaming sa lahat ng bicameral budget hearings para mawala ang pagdududa sa hokus-pokus kapag ang “small committee” ay nagsasagawa ng closed-door session.
Kaugnay nito, pinawi naman ni Speaker Dy ang pangambang mabahiran ng katiwalian ang nasa P249 billion unprogrammed appropriations (UA) na nakapaloob sa 2026 GAB, na lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara.
“Ang unprogrammed appropriations ay reserbang pondo ng ating pamahalaan. Hindi po ito kasama sa kabuuan ng proposed budget for next year na nagkakahalaga ng P6.793 trillion,” paliwanag ng lider ng Kamara.
Giit niya, ang nasabing UA allocation ay katumbas ng 3.6 percent ng proposed 2026 national budget, na mas mababa sa 5 percent ceiling set na itinakda naman ng Department of Budget and Management (DBM).
Aniya, ang naturang pondo ay maaari lamang magamit kapag mayroong “excess revenues, new taxes at finalized foreign loan-assisted projects.
“The House has already removed infrastructure projects like roads, bridges and flood control from the unprogrammed list and reallocated the funds to education, health and social protection. The unprogrammed appropriations will not be subject to abuse or misuse,” pagtitiyak pa niya at mayroon din naman umanong mga control measures na nakapaloob upang lalong masiguro na magagamit lamang tamang paraan at ganap na mapakikinabangan ng bawat mamamayang Pilipino ang bawat sentimo ng pondo.
“Nakita naman po natin talagang nagtrabaho po ng husto ang atin pong mga kasamahan sa Kongreso, inaabot po kami ng madaling araw. Talagang pinagsikapan po namin na isang transparent at accountable na budget proposal namin po next year.” (ROMER R. BUTUYAN)
