KUNG pagbabatayan ang pag-amin ng mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH), may paraan para mabawi ng gobyerno ang trinyon pisong nawala sa gobyerno.
Sa isang kalatas, umapela si Senator Bam Aquino na magsampa ng kasong bid-rigging sa ilalim ng Philippine Competition Act (PCA) laban sa mga kontratistang sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Para kay Aquino, posible pang mabawi ang nawalang pera sa pamamagitan ng multang bahagi ng parusa sa tulong ng mga ebidensyang patunay ng paglustay ng pondo.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, binigyang-diin ni Aquino na ang bid rigging ay may kaakibat na multa — tumataginting na P100 hanggang P250 milyon kada paglabag sa ilalim ng PCA.
Pag-amin ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon trilyong piso ang halagang napunta sa mga ghost at substandard flood control projects ng ahensya.
“Sa Philippine Competition Act, meron pong mga provision po diyan tsaka penalties for bid rigging. Iyong penalty po diyan is 100 to 250 million pesos per offense,” wika ni Aquino na may akda ng Republic Act 10667 o ang Philippine Competition Act.
“I’m raising this because importante sa taumbayan hindi lang na may makulong, hindi lang na lahat ng involved ay makulong, pero maibalik rin yung pera. And this could possibly be a way for us to get that money back,” dagdag pa niya.
Ayon kay Aquino, may kapangyarihan ang PCC na magsagawa ng motu proprio investigation sa mga kasong may kinalaman sa paglabag sa Philippine Competition Act. Batay sa substantial evidence, maaaring pagmultahin ng hanggang P250 milyon ang mga tiwaling contractors na nakiisa sa bid manipulation sa ikalawang paglabag.
“The PCC can file, based on an administrative complaint, fines on those engaged in bid rigging. A fine of P100 million to P250 million per instance. Kung 600 ang kontrata natin, that’s 600 times P100 million or P250 million, aabot ka ng P150 billion in fines. And you only need substantial evidence, not evidence beyond reasonable doubt because this is administrative,” ani Aquino.
“I suggest that the executive talk to the Philippine Competition Commission, simulan nila ang kanilang motu proprio investigation at piyansahan na natin iyong mga contractor na may mga ghost project para ma-recover natin iyong pera,” dagdag pa niya.
Tiniyak naman ni Dizon na susuportahan ng DPWH ang mungkahi ni Aquino. “Tayo’y makikipag-usap kay Chairman Mike Aguinaldo ng PCC at sa kanyang team para umpisahan natin agad ito,” aniya.
Nilinaw naman ni Aquino na ang kaso sa PCC ay bukod pa sa mga kasong kriminal at administratibo na maaaring isampa laban sa mga tiwaling contractor. (ESTONG REYES)
