SA laki at lawak ng impluwensya ng sindikatong ibinulgar, humirit ng proteksyon ang isa sa mga kontratistang umano’y ginamit ng mga opisyales ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pinaniniwalaang nasa likod ng mga nabistong ghost flood control projects sa lalawigan ng Bulacan.
Sa pagdinig sa senado, partikular na tinukoy ni Sally Santos na nagmamay-ari ng SYMS Construction Trading sina dating Bulacan First district assistant engineer Brice Hernandez at construction division chief Jaypee Mendoza, na kapwa aniya may motibong manakit sa kanilang mag-anak.
Pag-amin ni Santos, meron umanong mga umaaligid na sasakyang heavily-tinted sa kanilang tahanan.
Sa pagpapatuloy ng Senate blue ribbon committee hearing sa mga maanomalyang flood control project nitong Huwebes, tinanong ni Senador Ronald dela Rosa si Santos ang dahilan sa likot ng pangamba.
“Nung nakaraang hearing masyadong free flowing ka magsalita, normal na normal, natural na natural, ngayon napansin ko na may apprehension ka na, parang takot ka. Meron bang nananakot sa ‘yo? Meron ka bang kinatatakutan? Bakit biglang nagbago ang demeanor mo?” tanong ni Dela Rosa kay Santos.
“Kasi po sa bahay ko po marami pong umiikot na mga sasakyan, hindi po namin malaman kung sino ang sakay, tinted po yung window ng mga sasakyan… ang tagal po hindi po namin malaman kung sino ang sakay sobrang tinted po nung mga sasakyan,” kwento ng ginang.
Tinanong ni Dela Rosa kung sino sa tingin ni Santos ang gumagawa nito sa kanya, at sumagot naman ang contractor: “Ang pwede lang naman pong gumawa sa akin nito sina Engr. Brice at saka sina Engr. Jaypee.”
Gayunpaman, todo-tanggi si Hernandez — “Wala po, hindi ko po iniisip ‘yun.”
Nauna nang inamin ni Santos ang pagdedeliver ng humigit-kumulang P245 milyon sa isang opisina ng DPWH sa Bulacan. Sa pagtataya ng ginang, posibleng pumalo na sa mahigit isang bilyon ang naipasok sa sa tanggapan ni Hernandez at iba pang opisyales sa DPWH First Engineering District Office.
Bukod sa paghahatid ng pera sa mga DPWH officials, madalas din umano siyang utusan humiram ng lisensya sa mga kapwa kontratista. (ESTONG REYES)
