November 12, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

Perwisyong POGO, palayasin na lang

WALA nang dahilan pa ang pamahalaan para panatilihin ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na nagbibigay sa bansa ng mas maraming sakit ng ulo kesa benepisyo, ayon kay Sen. Bong Go.

Sa isang kalatas, nanindigan si Go na napapanahon nang suriin ng pamahalaan ang bentahe ng mga POGO sa Pilipinas sa gitna ng kabi-kabilang kontrobersiyang kinasasangkutan sa mga nakalipas na panahon.

“Kung nagiging dahilan lamang ng lagim o iba’t ibang krimen gaya ng patayan at kidnapping na nakakaapekto sa mga Pilipino, mas makabubuting lumayas na lamang sa Pilipinas ang mga negosyanteng nasa likod ng operasyon ng mga POGO,” pahayag ni Go sa isang panayam kasabay ng pagbisita sa lungsod ng Tanauan sa Batangas.

Aniya, higit na angkot mapagtanto ng pamahalaan ang tinawag niyang ‘cost and benefits’ kaugnay ng pananatili ng POGO sa bansang naliligalig di umano sa mga kinasasangkutan krimen kabilang ang murder, kidnapping, human trafficking at iba pa.

“Ang previous position ko diyan, tingnan ang cost and benefit, kung ano ho ba, makabubuti ba ito, ano ba ang epekto nito, ano ba makatutulong sa gobyerno at ano naman po ang magiging epekto nito sa peace and order,” ani Go.

“Mas importante po sa akin ang peace and order. Kung sila po ang naghahasik ng lagim dito at apektado po ang Pilipino, mas mabuting umalis na lang po sila dito,” dagdag ng senador.

Para kay Go, dapat isaalang-alang ng gobyerno ang mga potensyal na panganib at negatibong kahihinatnan na maaaring lumabas dahil sa presensya ng mga POGO.