PINAYUHAN ng Metropolitan Waterworks at Sewerage System (MWSS) ang mga negosyo at kabahayan sa mga lugar na sinusuplayan ng Maynilad na mag-ipon ng sapat na tubig bunsod ng siyam na oras na water interruption pagsapit ng Linggo.
Paliwanag MWSS, kinailangan magbawas ng alokasyon sa NCR dahil sa inaasahang pagsadsad sa antas ng nakaimbak na tubig sa Angat Dam kung saan nagmumula ang 90% ng pangangailangan ng Metro Manila.
Sa pagtataya ni MWSS Angat/ Ipo Operations Management Division head Patrick James Dizon, ganap na bababa sa 190-meter critical level ang Angat Dam ngayong Sabado.
Gayunpaman, wala naman inaasahan water interruption sa naturang araw — maliban na lang sa mga lugar na may nakatakdang regular maintenance activities.
Sa datos ng PAGASA, bandang alas-6 ng umaga nitong Biyernes, ang lebel ng tubig sa Angat Dam ay kasalukuyang nasa 180.45 metro, mas mababa sa 180.99-meter level noong Hulyo 6.
Sinabi ng National Water Resources Board (NWRB), nitong Huwebes, na babawasan pa nito ang water allocation para sa MWSS sa 48 cubic meters per second (cms) mula sa 50 cms sakaling bumaba ang tubig sa Angat Dam sa ibaba 180 meters.
