WALANG plano ang Pilipinas na abandonahin ang mga sundalong nakahimpil sa BRP Sierra Madre sa hangaring bantayan ang nasasakupang teritoryo, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Katunayan pa ani Col. Medel Aguilar na tumatayong tagapagsalita ng AFP, muling maglalayag ang sasakyang dagat ng AFP para sa resupply mission sa mga sundalong nakatalaga sa decommissioned BRP Sierra Madre (LST-57) na nasa sa Ayungin Shoal ng West Philippine Sea.
Ani Aguilar, kapos ang supply ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan inihatid sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre matapos kuyugin, bombahin ng tubig at tuluyang itaboy ng Chinese Coast Guard at iba pang Chinese militia vessels ang mga sasakyang dagat ng Pilipinas na naglayag para sa resupply mission noong nakalipas ng Agosto 4.
“I’m not sure but we need to resupply them within the next two weeks but we will see how we are going to do it dahil sa nangyayari ngayon sa West Philippine Sea,” ani Aguilar.
Una nang kinondena ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang pagtatangka ng China na pigilan ang pagsusuplay ng Philippine Coast Guard sa mga tropang naka-istasyon sa Ayungin Shoal.
Pinatawag na rin ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes si Chinese Ambassador to Manila Huang Xilian at kinalampag na tigilan na ang mga illegal na aktibidad sa WPS.