MISMONG si Vice President Sara Duterte na mismo ang nagtakda ng kanyang kapalaran sa patuloy na pag-iwas sa pagdinig ng House Justice Committee.
Ito ang pahayag ni House Justice Committee chair at Batangas Rep. Gerville Luistro sa paandar ng mga abogado ng pangalawang pangulo.
“Una, sabi ng mga abogado, handa raw sumagot ang Bise Presidente, handa raw siyang humarap—pero sa Senado. Hindi dito, kundi sa Senado,” wika ni Luistro.
“Napaisip tuloy tayo: kung doon siya sasagot—hindi ba’t kinikilala na rin niya na meron ng sapat na ebidensya dito, at patungo na talaga sa Senado ang kasong ito?” dagdag ng kongresista.
Para kay Luistro, madaling basahin ang posisyon ng kampo ng bise presidente dahil sa halip na kontrahin ang mga ebidensya ay mas piniling kuwestyunin ang timing, venue at naging proseso ng komite.
“At yan ang tatlong bagay na ginawa nila: una, nagdeklara sila na handa silang sumagot sa Senado, pangalawa, sinabihan tayo na mag-ingat daw tayo, at pangatlo, ang pag-file ng panibagong reklamo laban sa atin,” anang lady House panel head.
Gayunpaman, nilinaw ni Luistro na hindi magpapatinag ang komite sa pagganap ng tinawag niyang “constitutional duty” na pamahalaan ang impeachment proceedings mula sa mga panlabas na ingay at panggigipit lalo’t ang landas na tinatahak ng mga ebidensya ay lumilinaw na.
“At ngayon, narito na tayo sa puntong ito—April 29. Itutuloy natin ang pagdinig. Gaya ng lagi nating sinsabi, wala tayong papanigan kundi ang katotohanan: Saan man tayo dalhin ng ebidensya, doon tayo susunod—gaano man ito kalayo, gaano man ito kahirap—doon tayo pupunta,” sambit pa ni Luistro.
“Ang sabi ng kampo ng Bise Presidente: ‘Let us be cautious.’ Mag-ingat daw tayo. Ang sagot natin: ‘Let us be truthful.’”
