MATAPOS ang insidente pananambang, tuluyan nang pumanaw ang 75-anyos na professional billiards promoter at negosyanteng si Perry Mariano.
Hindi rin nakalusot sa kamatayan ang kasamang driver na kinilalang si Norberto Orimaco, 51-anyos at residente ng Cubao, Quezon City.
Sakay ng kulay puting mini-SUV, binabaybay nina Mariano at Orimaco ang kahabaan ng Timog Avenue nang biglang paulanan ng bala ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Samantala, tukoy na ng Quezon City Police District (QCPD) pagkakakilanlan ng mga salarin sa likod ng pananambang kay Mariano.
Sa tulong ng CCTV na ginamit nbg Criminal Investigation and Detection Unit sa backtracking, nahagip ang mukha ng mga suspek na huminto pa Scout Ybardolaza kung saan unang inabangan ang target.
Naganap ang pananambang dakong alas 3:40 ng hapon sa harap ng GMA Complex sa BArangay South Triangle. Bagamat agad na isinugod sa pagamutan, kapwa namatay ang mga biktima bunsod ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Narekober din ng mga operatiba ang inabandonang motorsiklo na ginamit ng mga suspek sa Scout Rallos. Sa inisyal na pagsusuri, lumalabas na peke ang MV file nag motorsiklo — isang indikasyon na professional killers ang bumakbak kay Mariano.
Sa kaugnay ng balita, tiniyak ni Kamuning Police Station 10 commander Lt. Col. Zachary Capellan ang puspusang pagtugis sa mga suspek, kasabay ng malalimang imbestigasyon na isasagawa naman ng special investigation team na pangungunahan mismo ni QCPD director Brig. Gen. Randy Glenn Silvio.
Bago pumanaw, higit na nakilala si Mariano sa pagtuklas ng mga talento sa larangan ng larong bilyar. Kabilang sa mga billiards player na isinagupa ni Mariano sa mga pandaigdigang kompetisyon sina Dennis Orcullo, Antonio Gabica, Roberto Gomez, Ronnie Alcano, Jeffrey de Luna, Jeffrey Ignacio, Jharome Peña, Carlo Biado, Johann Chua, Jerico Banares, Jonas Magpantay, at iba pa.
Binansagang Pinoy Bugsy si Mariano bilang paghahalintulad kay Benjamin “Bugsy” Siegel, ang nasa likod ng pag-unlad ng Las Vegas Strip sa Clark County, Nevada, USA.
