TUMATANGGAP ng suhol ang mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakatalaga sa Binangonan Substation para sa pahintulot na makapaglayag ang mga overloaded na bangka, pag-amin ng kapitan ng MB Aya Express na tumaob sa Laguna de Bay noong Hulyo 27.
Sa pagdinig ng Senado, hayagang inamin ni Donald Anain ang kalakaran sa pagitan ng mga naglalayag ng pampasaherong bangka at mga nakatalagang PCG personnel sa bahagi ng Talim Island na sakop ng Binangonan.
Ayon kay Anain, P50 cash at P100 halaga ng kalakal ang kanilang ibinibigay sa nakatalagang PCG personnel para makapaglayag nang hindi na kailangan pang sumailalim sa inspeksyon.
Kwento pa niya, nakasanayan na nila ang pagbibigay sa PCG personnel na aniya’y naghahanap ng ‘pampangiti’ bago sila payagan bumiyahe. Ito rin aniya ang dahilan ng kanilang pagsasakay ng labis sa kapasidad – para mabawi ang suhol sa nakatalagang bantay-dagat sa kanilang lugar.
Gayunpaman, hindi kumbinsido si Senador Raffy Tulfo na P50 lang ang sinisingil ng PCG personnel sa kada biyahe ng mga namamasadang bangka.
Hulyo 27 nang tumaob sa bahagi ng Laguna na Bay na sakop ng Barangay Kalinawan ang bangkang MB Aya Express na may lulang 70 pasahero. Sa nasabing bilang 27 ang binawian ng buhay.