ISANG buong pamilya ang pumanaw matapos tupukin ng apoy ang kanilang tahanan sa gitna ng mahimbing na pagtulog sa bayan ng Sta.Maria sa lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ang mga biktimang sina Roy Lozano, 39; asawa nitong si Marie, 39, at ang dalawang menor de edad na anak na sina Cedric, 13, at Andre, 12, pawang residente ng Brgy. Caypombo sa naturang bayan.
Sa ulat ng Sta. Maria Police, naganap ang insidente dakong alas 3:00 ng madaling araw sa El Pueblo Del Rio sa nasabing lugar.
Ayon sa mga saksi, wala nang nagawa ang mga kapitbahay ng pamilya dahil sa bilis ng pangyayari. Anila mabilis na nilamon ng apoy na nagsimula sa unang palapag ang buong bahay kung saan mahimbing na natutulog ang mag-anak.
Kabilang sa sinisilip na dahilan ng insidente ang faulty electrical wiring ng natupok na bahay.