HABANG patuloy na lumalala ang agresyon ng China sa West Philippine Sea (WPS) — mula sa pagbundol, pagbuntot, paggamit ng military-grade lasers, hanggang sa pagkakalat ng fake news — mas pinaigting na depensa ang tugon ng Pilipinas.
Bilang patunay, inilunsad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang apat na pangunahing hakbang para protektahan ang soberanya, pangalagaan ang karapatang pandagat, at ipagtanggol ang isang rules-based international order.
Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw na ipinapakita ng mga hakbang ng AFP na maninindigan ang Pilipinas sa anumang uri ng panggigipit o pananakot.
MGA INISYATIBA NG AFP
Una, patuloy na presensya at pagpapatrolya sa WPS, para igiit ang soberanya sa gitna ng agresibong maneobra ng China.
“Kapag ang presensya ay batay sa batas, nagiging tunay ang lakas,” wika ni Goitia kasabay ng giit na kahit limitado ang tinatawag na “assets,” ipinapakita pa rin ng Pilipinas na ang matibay na prinsipyo ay higit na makapangyarihan kaysa anumang uri ng pananakot.
Ikalawa, pinalawak ng Pilipinas ang kooperasyon sa “allies” at “partners” sa bisa ng joint patrols, maritime exercises, at diplomatikong koordinasyon.
“Kapag may mga kaalyadong naka suporta sa iyo, nagiging imposibleng maitago at maipaliwanag ang anumang kilos na agresibo,” paliwanag ng lider-sibiko.
Katunayan aniya, hindi nag-iisa ang Pilipinas sa pagbabantay sa bawat galaw ng naturang bansa.
Ikatlo, ginagamit ng AFP ang mabilis na paglabas ng impormasyon, dokumentadong ebidensya, at pagpapalakas ng boses sa international media upang ilantad ang mga paglabag ng Tsina at salungatin ang mga pekeng naratibo.
Ayon kay Goitia, ang katotohanan ang pinakamabisang sandata — “Walang tumatagal na kasinungalingan kapag nasinagan ng katotohanan. Kapag nakita ng mundo ang tunay na pangyayari, kusang bumabagsak ang mga panlilinlang.”
Malaking tulong din umano ang “transparency” sa paglikha ng malawakang suporta mula sa iba’t ibang bansa.
Ikaapat, ipinatutupad ng buong bansa ang isang whole-of-nation approach, kung saan nagtutulungan ang mga ahensya ng pamahalaan, civil society, pribadong sektor, at komunidad upang labanan ang ilegal, mapanupil, agresibo, at mapanlinlang na taktika ng China, kabilang ang cyber intrusions, influence operations, at political interference.
“Sa oras na magkaisa ang buong bayan, hindi tayo kayang pabagsakin ng anumang pwersa mula sa labas.”
TINDIG KONTRA AGRESYON
Mula sa paglikha ng “militarized artificial islands” hanggang sa agresibong pagbangga at pagharang sa ating mga barko, malinaw na nilalabag ng China ang international law at ginugulo ang katatagan sa rehiyon.
Ngunit nananatiling matatag ang Pilipinas.
“Ang dagat ay simbolo ng ating karapatan at pamana bilang bansa. Hindi ito basta-basta isinusuko,” dagdag ni Goitia.
Kinilala rin ni Goitian ang AFP sa pagpapairal ng “transparency,” pakikipag-alyansa, at pambansang pagkakaisa upang ilantad ang agresyon ng China at palakasin ang posisyon ng Pilipinas.
PAGKAKAISA AT KATATAGAN
Ipinapakita ng pinalakas na estratehiya ng AFP ang isang bansang handang ipagtanggol ang kinabukasan nito.
“Nabubuhay ang soberanya kapag pinipili ng bayan ang tapang kaysa takot at ang katotohanan kaysa pananakot,” aniya pa.
Habang lumalakas ang apat na pangunahing inisyatiba ng AFP, malinaw ang mensahe ng Pilipinas sa mundo at maging sa Beijing — Mananatiling matatag ang Pilipinas. Hindi ito magpapasindak.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic-oriented organizations kabilang ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER),
Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
