SA 16 na pakay ng warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng flood control scandal, apat ang nakapuslit na patungo sa ibang bansa.
Sa isang pulong balitaan, kinilala ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga nakatakas — former Ako Bicol Rep. Zaldy Co, Aderma Angelie Alcazar na tumatayong president at chairman ng Sunwest Board of Directors; Cesar Buenaventura (treasurer at miyembro ng Sunwest Board); at Montrexis Tamayo, officer-in-charge ng Planning and Design Division ng Department of Public Works and Highways.
Batay aniya sa nakalap na datos ng kagawaran, huling namataan si Alcazar sa New Zealand, habang nasa New York naman umano si Buenaventura, at nasa Jordan si Tamayo.
Gayunpaman, tiniyak ng Kalihim na hahanapin ng pamahalaan ang lahat ng akusado saanman panig ng mundo.
Una nang inanunsyo ng Bureau of Immigration na naka-heightened alert ang ahensya matapos mailabas ang warrant of arrest laban sa mga akusado noong Biyernes. Nakalagay na rin sa centralized derogatory database ng BI ang pangalan ng mga umeskapo para malimitahan ang kilos sa ibang bansa.
