Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Risa Hontiveros, higit na angkop busisiin ng Kongreso ang bagong modus kung saan Pinay ang karaniwang target ng sindikato sa likod ng pekeng trabaho sa bansang Cambodia.
Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang surrogacy modus matapos masagip sa isang operasyon ng Cambodian Police ang nasa 20 Pinay na binubuntis para magluwal ng sanggol para sa mga walang anak na mag-asawa.
Nagpahayag din ng kahandaan si Hontiveros tumatayong chairperson ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na imbestigahan ang aniya’y modus sa hangaring bigyan ng wastong proteksyon ang hanay ng kababaihang nangingibang-bayan dahil sa higpit ng pangangailangan.
Una nang nabalita ang pagsagip sa 20 Pinay na sangkot sa surrogacy o pagbubuntis para sa anak ng iba. Sa 20 Pinay, 13 na ang buntis at kinasuhan.
Pitong Pinay ang nakabalik na sa bansa.
Target ni Hontiveros amatukoy ang recruiter na kumuha sa mga Pinay para maging baby maker sa Cambodia.
“Obligasyon ng Senado na imbestigahan ito at maidentify ang gap sa kasalukuyang mga batas, kasama na dyan yung tungkol sa reproductive labor at pati sa RA 10364 o yung Expanded Anti-Trafficking in Persons Act,” anang senador sa isang panayam sa radyo.
“Sa mga kababayan nating nakikinig sana maging alerto lahat sa mga ganitong modus dapat magkaroon ng malaki at malawak na kampanya ang gobyerno laban sa iba’t ibang klase ng human trafficking.”
