Ni Lily Reyes
NAGPASAKLOLO sa Kongreso ang grupo ng transportasyon para himukin ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na ibasura ang franchise consolidation ng mga public utility jeepney na magtatapos ang deadline sa Disyembre 31, ngayong taon.
Nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Kongreso ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) matapos sumama ang kanilang pangulo na si Mody Floranda sa Makabayan bloc sa paghahain ng House Resolution 1506.
Ayon kay Makabayan bloc member Gabriela Rep. Arlene Brosas na ang pagsasama-sama ng prangkisa ay makakaapekto sa kabuhayan ng mga jeepney driver.
Sinabi pa nito na malinaw ang pahayag ng jeepney drivers na mapi-phase out ang mga ito sa pamamagitan ng franchise consolidation at dahil dito ay mawawalan sila ng kabuhayan.
Kaugnay nito, hinimok naman ni Floranda ang gobyerno na palakasin ang lokal na industriya .
“Bakit di unahin ng gobyerno ay yung magtayo tayo ng sarili nating industriya dahil ‘pag inuna natin sa balangkas ng programa sa kasalukuyan ay hindi yung ating ekonomiya yung pinapaunlad dito ng ating pamahalaan, kundi ang pinapaunlad dito yung mga dayuhan,” giit ni Floranda sa isang panayam.
Nauna nang sinabi ng transportation department na handa silang pagbigyan ang mga kahilingan ng mga tsuper sa ilalim ng PUV modernization program maliban sa isyu ng industry consolidation.
Sa ilalim ng PUV modernization program, ang mga jeepney at operator ay binibigyan ng hanggang Disyembre 31 para bumuo ng isang kooperatiba na magbibigay-daan sa kanila na mas madaling makakuha ng pondo, lalo na kapag nag-a-apply para sa mga pautang, at iba pa.