PALAISIPAN sa isang opposition leader ang pagbabagong anyo ng senado – mula sa kritikal na posisyon, biglang naging pro-POGO matapos aprubahan ang Filipino citizenship sa isang Chinese national na dawit sa ilegal na operasyon ng kumpanya sa likod ng offshore gaming sa bansa.
Sa ginanap na sesyon kamakailan, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang pagbibigay ng Filipino citizenship kay Chinese national Li Duan Wang ng Nine Dynasty Casino – isa sa pinakamalaking POGO na nabulgar sa pagdinig ng Senate Committee on Woman, Children, Family Relations and Gender Equality.
Sa botong 19 pabor, pinagtibay ang House Bill 8839. Ang tanging kumontra – si Senador Risa Hontiveros.
Apela ni Hontiveros sa mga kapwa mambabatas, ibasura ang panukala sa paniwalang “junket operator” lang si Wang na kabilang sa mga lumutang na pangalan sa likod ng mga POGO operator na sangkot sa kabi-kabilang bulilyaso.
Pag-amin ni Hontiveros, hindi binanggit ni Wang sa application para sa naturalization ang pagiging junket operator ng Nine Dynasty. Hindi angkop na kupkupin ng bansa ang isang dayuhang gumagamit ng sangkatutak na taxpayer identification numbers.
Ibinulgar din ng senador na miyembro din si Wang ng Philippine Jinjiang Yu Shi Association, na pinaniniwalaang united front ng Communist Party of China.
“Have we not learned anything from Guo Hua Ping, also known as Alice Guo, or Yang Jianxin, otherwise called Tony Yang? Have we not learned our lesson when we were fooled by foreigners who pretended to be Filipino in order to taint our system?” wika ng lady senator sa plenaryo.
“Are we going to ease our policies to an individual who has hidden from Congress his sketchy ties?” dagdag niya.
Paglilinaw ni Hontiveros, dapat isinaalang-alang ng Kongreso ang mga aniya’y “red flags” na bumabalot sa pagkatao ni Wang. (ESTONG REYES)
