AGAW-BUHAY ngayon sa isang pamagamutan ang anim na taong gulang na batang babae matapos paulit-ulit umanong iuntog ng kapitbahay ang ulo sa sementadong inodoro sa Caloocan City.
Ayon sa lokal na pulisya, mismong anak ng hindi pinangalanang ginang ang nagturo sa ina na umano’y nambugbog sa biktimang patuloy na inoobserbahan sa isang ospital sa Quezon City bunsod ng matinding pinsala sa ulo – bukod pa sa pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon Police Captain Romel Caburog na tumatayong hepe ng Hillcrest Police Sub-Station, naglalaro umano ang dalawang bata nang dumating ang suspek na agad na binibit ang bata sa palikuran kung saan binugbog at paulit-ulit na inuntog sa inodoro.
Agad naman sumaklolo ang mga kamag-anak pero wala ng malay ang biktimang agad na isinugod sa pagamutan.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa hangaring tukuyin ang motibo ng suspek na nakapiit at nahaharap sa patong-patong na kaso. (LILY REYES)
