MULING pinabulaanan ni dating Senador Bong Revilla ang anumang pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito’y matapos ang personal na pagsipot sa Department of Justice (DOJ) para sa preliminary investigation sa reklamong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng ghost flood control projects ng Wawao Builders sa lalawigan ng Bulacan.
Iginiit ni Atty. Francesca Lourdes Señga na tumatayong tagapagsalita ni Revilla, walang basehan ang mga alegasyon at walang kredibilidad ang mga nag-akusa sa dating senador.
“Yung mga ganitong complaint na pina-file na walang batayan eh para bang finile lang para lang mang harass o mang-abala ng isang individual so sa totoo lang yung mga ganitong complaint, ayon sa batas at sa rules ng evidence hindi dapat ito paniwalaan dahil ito ay walang bigat at halaga,” wika ni Atty. Senga.
Kumbinsido naman ang kampo ni Revilla na agad na ibabasura ng DOJ ang reklamo laban sa senador na dati nang nadawit sa korapsyon. (JULIET PACOT)
