MATAPOS absweltuhin si Senador Chiz Escudero, tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) ang napipintong paglabas ng show-cause order (SCO) laban sa iba pang politikong tumanggap ng donasyon sa mga kontratista noong 2022 general elections.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, pagpapaliwanagin na ng Political Finance and Affairs Department ang mga kandidatong sinasabing nakinabang, batay na rin sa pag-amin ng ilan sa mga negosyanteng nag-ambag sa kampanya ng mga lumahok sa halalan.
Samantala, kinumpirma rin ni Garcia na natanggap na ng departamento ang certification mula sa 31 contractors na umano’y nagbigay din sa mga kandidato nitong nagdaang 2025 midterm elections.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibigay ng donasyon ng mga government contractors sa mga kandidato sa halalan. (JULIET PACOT)
