DAHIL sa limitadong bilang ng mga sasakyang dagat, hindi magawang bantayan ng Pilipinas ang karagatang nasasakupan. Kaya ang solusyon ng administrasyong Marcos – papasukin ang mga dambuhalang kumpanyang gumagawa ng barko.
Sa isang kalatas ng Palasyo, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang isang kasunduan sa HD Hyundai ng South Korea at Cerberus investment firm ng Estados Unidos para sa shipbuilding business na itatayo sa isang bahagi ng Subic.
Para kay Marcos, malaking bentahe ang pagpasok ng pamahalaan sa kasunduang magbibigay-daan para muling bumida ang Pilipinas sa larangan ng paggawa ng barko.
Partikular na tinukoy ni Marcos ang bahagi ng Agila Subic shipyard na gagamitin di umano ng HD Hyundai bilang manufacturing at assembly site sa tulong ng Cerberus na bumili ng Subic shipyard noong 2022 sa layong buhayin ang shipyard operation na dating kontrolado ng Hanjin Industries.
Taong 2019 nang tuluyan itiklop ng Hanjin ang operasyon ng kumpanya matapos mabangkarote. Nasa 20,000 manggagawa ang nawalan ng trabaho.
Ayon kay Marcos, malaking bentahe sa ekonomiya ang pagpasok ng mga kapitalista sa shipbuilding business. Inaasahan din aniya ang libo-libong trabahong malilikha sa pagsipa ng operasyon ng mga naturang kumpanya – bukod pa sa kaalaman at kasanayang matututunan ng mga Pilipinong manggagawa.
“Not only would it generate thousands of jobs, but also enable the transfer of critical skills and improve the Philippines’ position in the global market,” wika ng Pangulo.
Hinikayat din ni Marcos ang HD Hyundai na ikonsidera ang isa pang kasunduan kasama ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Skills Education Development Authority (TESDA) para hubugin ang mga mag-aaral sa larangan ng shipyard industry.
Pagmamalaki ng Punong-Ehekutibo, hindi pagsisisihan ng South Korean shipbuilding firm ang pagpili sa Pilipinas at pagkuha ng mga Pilipinong manggagawa.
“They will not only bring their skills to your company, but the brand of dedication, compassion, and hard work that has become the trademark of the Filipino worker,” pagtatapos ng Pangulo.
