NAGLAAN ang 2024 national budget ng pondo para sa pagpapatupad ng mga programa para sa Alternative Learning System (ALS) at sa mga learning resources ng mga learners with disabilities, ayon kay Senador Win Gatchalian.
Sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (Republic Act No.11975), P632.48 milyon mula sa Flexible Learning Options ang inilaan para sa pagpapatupad ng mga programa ng ALS, mga ALS learning resources, at pagbibigay ng transportation at teaching aid allowances sa mga ALS teachers at sa mga community ALS implementers na katuwang ng Department of Education (DepEd). Unang nagpanukala si Gatchalian ng P562 milyon na pondo para sa ALS.
May P56 milyon naman mula sa pondo ng DepEd para sa Basic Education Facilities ang inilaan para sa pagpapatayo ng ALS community learning centers (CLC). Mandato ng DepEd at mga local government units sa ilalim ng Alternative Learning System Act (Republic Act No.11510) ang pagkakaroon ng hindi bababa sa isang CLC sa bawat lungsod at munisipalidad para sa pagpapatupad ng ALS K to 12 Basic Education Curriculum at iba pang programa ng ALS. Institusyunal na ang batas sa ALS na inakda ni Gatchalian para mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga out-of-school children in special cases at nakatatandang mga mag-aaral, kabilang ang mga indigenous peoples.
Naglaan naman ng P100 milyon para sa mga textbooks at iba pang instructional materials para sa mga learners with disabilities na bahagi ng pormal na sistema ng edukasyon at ng ALS. Bahagi ng pondong ito ang pagsasagawa ng mga personal safety lessons para sa mga learners with disabilities, kabilang ang mga electronic at online learning materials.
Ayon kay Gatchalian, ang paglalaan ng pondo para sa mga learners with disabilities ay angkop sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11650 o ang Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act na kanyang isinulong. Mandato ng naturang batas na tiyaking hindi mapagkakaitan ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral na may kapansanan.
“Sa ilalim ng 2024 national budget, hindi natin kinalimutan ang ating mga mag-aaral na higit na nangangailangan ng ating tulong, kabilang ang mga mga mag-aaral natin sa ALS at mag-aaral na may kapansanan. Patuloy nating titiyaking pagdating sa abot-kaya at dekalidad na edukasyon, hindi sila mapag-iiwanan,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.