MULING sasabak sa boxing ring ang tinaguriang ‘Pambansang Kamao’ ngayong taon, ayon kay Rizin Fighting Federation executive Nobuyuki Sakakibara.
Ayon kay Sakakibara, posibleng sa bansang Japan idaos ang muling paghaharap ni eight-division world boxing champion Manny Pacquiao at Floyd Mayweather.
Sa pagdalo ni Pacquiao sa Rizin 45 event nitong Linggo, Disyembre 31, sa Saitama Super Arena sa Japan, kinumpirma ng Pinoy boxer ang napipintong rematch ng tinaguriang “Money-Man” ng world boxing.
“Thank you so much for inviting me here again. I’m sorry for the last time that we promised we were going to fight this year, but like Sakakibara explained, this year I will see you here in Japan again with a big fight against… Floyd Mayweather, yeah,” sambit ng Pambansang Kamao.
Disyembre 2022 nang lumagda sa isang kasunduan si Pacquiao para sa Japanese MMA promotion sa 2023. Pagsapit ng Pebrero ng nakalipas na taon, nakansela naman ang dapat sana’y pagsagupa ni Pacquiao laban sa pro wrestler na si Kota Ibushi.
Taong 2015 naman nang talunin ni Mayweather via unanimous decision si Pacquiao. Kapwa retirado na ang dalawang boksingerong maghaharap para sa isang ‘exhibition match.”