BUKOD sa mga operator at tsuper, inalmahan na rin ng 111 Sangguniang Kabataan (SK) chairpersons ang napipintong phase out ng mga makulay na dyip sa mga lansangan.
Katwiran ng mga lider-kabataang lumagda sa isang manifesto, nagdudulot ng krisis sa transportasyon ang anila’y ipinagpipilitang PUV modernization ng gobyerno.
Pangamba ng mga SK chairpersons, higit na apektado sa naturang programa ng pamahalaan ang mga estudyanteng kabataan, mga senior citizens at mga taong may kapansanan.
Sa isang kalatas na inilabas ng Kabataan Partylist, mahigpit na tinutulan ng mga nakapirmang SK officials ang franchise consolidation deadline na itinakda at nagtapos noong ika-31 Disyembre 2023. Ayon pa sa naturang grupo, nasa 60,000 pamilya ang lubos na apektado sa nasabing programa ng gobyerno.
“The repercussions of drastically reducing the number of PUVs in January 2024 extend beyond economic implications. Aside from creating dents in commuter’s budgets, especially those working or studying, it threatens to plunge millions of Filipino commuters into a dire transport crisis, profoundly impacting crucial sectors of our economy,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng Kabataan partylist.
Panawagan ng mga lider-kabataan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isantabi o tuluyang ibasura ang PUV Modernization para maiwasan ang krisis sa transportasyon.
“Though government information insists on progress in terms of franchise consolidation, ground reports paint a different picture — one that ensures that existing policies will neglect the conditions of the transport industry,” dagdag pa ng Kabataan partylist.