PARA sa mga militanteng kongresista sa Kamara, hindi katanggap-tanggap ang animo’y panggigipit ng isang dambuhalang kumpanya sa gitna pa man din ng kinakaharap na krisis sa bansa.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni Akbayan Party Rep. Chel Diokno ang Manila Electric Company (Meralco) sa umano’y hindi makataong singil sa mga konsyumer.
Panawagan ni Diokno kasama ang mga lider manggagawa at renewable energy advocates sa Kongreso, imbestigahan ang iba’t ibang singil ng Meralco sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bayarin sa kuryente ng mga konsyumer.
Ayon kay Diokno, napapanahon nang suriin ng kongreso ang mga charges sa buwanang electric bills ng naturang kumpanya.
Inihain nina Diokno at ng Akbayan Reform Bloc na kinabibilangan nina Reps. Percival Cendaña, Dadah Kiram Ismula at Kaka Bag-ao ang House Resolution No. 995 na humihiling ng imbestigasyon sa iba’t ibang charges sa electricity bill.
Kabilang sa mga nais talupan ng kongresista ang generation charge, transmission charge, system loss, universal charges, lifeline subsidies, FIT-All, GEA-All, missionary electrification charges, at iba pang buwis at bayarin sa ilalim ng umiiral na batas gaya ng EPIRA at Renewable Energy Act.
Samantala, sinuportahan din ng Akbayan ang panukala ni Senadora Risa Hontiveros na alisin ang value added tax o VAT sa system loss charges.
“Isang malinaw na kalabisan at hindi makatarungang pasanin natin ang VAT sa system loss. We are asked not only to pay for system loss that we did not benefit from, we also shoulder the taxes that come with it. Tapusin na natin ang hindi makatarungang patakarang ito,” saad ni Diokno.
