WALANG makakalusot na ghost projects saanman panig ng bansa kung katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa pagbabantay ng mga pagawaing bayan sa nasasakupan.
Sa isang pahayag, hinikayat ni Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V ang mga local government units — mula sa mga opisyales ng kapitolyo, munisipyo at maging sa antas ng barangay — na tumindig kontra katiwalian.
“Hindi lang DPWH ang dapat magbantay. Tayo mismo… kasama ang barangay at LGU officials. Tignan natin kung maayos ang trabaho. Kapag may mali, agad aksyunan. Kaya imposible talagang makalusot ang substandard na proyekto sa amin,” wika ni Ortega.
Sa isang pahayag, tiniyak din ni Ortega sa mga residente ng nasasakupang distrito na umiiral ang tinawag niyang “transparency” at “accountability” sa bawat sentimo ng kaban ng bayan.
“Walang ghost projects sa distrito ko, sa La Union at pati buong rehiyon, walang palpak na flood control. Lahat ng proyekto, makikita at nagagamit ng tao. Hindi gawa-gawa, kundi konkretong serbisyo,” bulalas ng ranking House official.
Ayon kay Ortega, nakikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa mga lokal na pamahalaan at barangay leaders sa pagsasagawa ng regular inspection sa lahat ng isinasagawang infrastructure projects sa kanilang lugar.
“Hindi kami pumipili ng contractor. Ang role lang ng kongresista ay ilapit ang pangangailangan ng tao sa pamahalaan. Kung mapagbibigyan, DPWH na ang nagpapatupad. Napakalinaw ng process,” ani Ortega bilang sagot sa paratang laban sa mga kongresistang umano’y kasabwat ng mga kontratista sa paggawa ng irregularidad sa proyekto.
“Maraming paninira ang makikita natin sa social media, nilalahat ang lahat ng kongresista. Wala namang basehan lahat, walang ebidensya, puro intriga. Pati ang mga inosente, nadadamay. Basta sa amin sa La Union, malinis ang record natin at walang anomalya sa proyekto sa distrito… kung imbestigahan man, anytime. Wala kaming tinatago. Ang gusto lang natin ay makita ng tao na ang pondo ng bayan, bumabalik talaga sa kanila,” ani Ortega.
Nanindigan naman si Ortega na sa infrastructure planning, dapat matugunan ang tunay na pangangailangan ng mga mamamayan gayundin ang maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo at magkaroon ng pag-doble o pag-uulit sa paglalaan ng pondo ng gobyerno.
“Dapat may mas malakas na coordination sa national at local. Hindi puwedeng may budget sa kalsadang maayos pa o inuulit ang flood project na tapos na. Sayang ang pera, sayang ang oras,” sabi pa ni Ortega.
Sa panig ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Antipolo 1st Dist. Rep. Ronaldo Puno, higit na mahalaga aniyang bantayan ng mga mambabatas ang hinihinging pondo ng bawat ahensya ng gobyerno.
“Kung masasabi natin na dapat bantayan, talaga. Lahat na mga bagay na nasa national expenditure program, dapat titig talaga. In fact yan ang tungkulin, that’s the obligation of Congress. We really have to look at it,” pahabol ni Puno. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
