WALANG ultimatum na ibinigay ng Department of Justice (DOJ) sa mga sangkot sa flood control projects na nangakong magsauli ng milyong pisong nakulimbat.
Ito ang nilinaw ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez nang tanungin kung may itinakdang petsa para sa pagsasauli ng perang ipinangako ng mga nakapasok sa Witness Protection Program (WPP).
Ayon kay Martinez, boluntaryo ang pagsasauli ng pera at hindi kondisyon para makasali sa programang bahagi ng aplikasyon para maging state witness sa kaso.
Habang patuloy ang kaso, may sapat na panahon aniya ang mga sangkot para magsauli ng pera.
Sa kabuuan, nasa P316 milyon pa lang ang naisauli ng mga opisyales na kaladkad sa maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH)..
Sa datos ng ahensya, P181 milyon ang ibinalik ni dating DPWH Bulacan Engineer Henry Alcantara, habang nasa P80 milyon pa lang ang isinauli ni dating DPWH-NCR Regional Director Gerard Opulencia.
Ang P20 milyon naibalik naman ng contractor na si Sally Santos, habang P35milyon mula kay dating DPWH Usec. Roberto Bernardo.
Una nang sinabi ng DOJ na mahigit P1.5 bilyon ang kabuuang halagang dapat maisauli sa gobyerno dahil sa flood control scandal. (JULIET PACOT)
