
PARA kay Senador Win Gatchalian, higit na angkop bumalangkas ng isang regulatory framework para sa nuclear energy para tiyakin ang kaligtasan at pangmatagalang tugon sa patuloy na pagtaas ng demand sa bansa.
Sa isang kalatas, binigyan diin ni Gatchalian na tumatayong vice chairman ng Senate Committee on Energy, ang bentahe ng tinawag niyang “social acceptance” sa gitna ng agam-agam sa umano’y peligrong kalakip ng nuclear energy.
“Mahalaga ang isang komprehensibong regulatory framework, lalo na’t patuloy na tumataas ang pangangailangan ng bansa sa enerhiya,” wika ni Gatchalian matapos aprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang batas na naglalayong lumikha ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority.
Batay sa panukala, magkakaroon ng kapangyarihan ang ahensya pagre-regulate sa lahat ng posibleng pagmumulan ng ionizing radiation, kabilang na ang mga nuclear at radioactive materials at radiation devices.
Partikular na tinukoy ng senador na punong may-akda ng panukalang batas, ang mga parusa sa hindi awtorisadong paghawak o maling paggamit ng nuclear materials.
Kabilang rin sa isinusulong ng panukalang paglikha ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority ang kaligtasan at kalusugan ng publiko, at pangangalaga sa kapaligiran, gayundin ang pagsunod sa mga pandaigdigang pamantayan para mas maging katanggap-tanggap sa mga Pilipino.
“Sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang komprehensibong regulatory framework para sa nuclear technology, matitiyak natin na ang mga agam-agam tungkol sa paggamit nito ay matutugunan at lalakas ang kumpiyansa at tiwala ng publiko,” pahabol ni Gatchalian. (ESTONG REYES)