MAS lumalawak ang pwedeng pagkunan ng enerhiya sa Pilipinas, ayon sa mga eksperto kasunod ng pag-aaral kung saan lumalabas na may mayamang deposito ng hydrogen gas sa baybaying bayan ng San Antonio sa lalawigan ng Zambales.
Ayon kay Dr. Karmina Aquino, geological chemist at isang Science and Technology fellow mula sa Department of Science and Technology-Philippine Nuclear Research Institute, malaking bentahe ang natural hydrogen fluxes para makalikha ng kuryenteng pasok sa kategorya ng renewable energy.
Gayunpaman, nilinaw ni Aquino na sapat lang sa ngayon ang nadiskubreng deposito ng hydrogen gas para tugunan ang 50 porsyento ng demand sa bayan ng San Antonio
Sa datos ng eksperto, lumalabas na kayang magbuga ng 800 tonelada ng geodetic hydrogen kada taon — higit pa sa naitalang 200 tons ng Albania noong nakaraang taon.
Base sa pag-aaral, makakalikha ng 12,861 hanggang 15,185 megawatt-hour kada taon ang surface outgassing sa seep, na hanggang 42 porsyento ng tinatayang 36,600 MWh na power demand ng tinatayang 10,000 kabahayan sa San Antonio.
