TATLONG araw matapos buksan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sumbungan website sa publiko, santambak na reklamo ang agad na bumuhos kaugnay ng mga kapalpakan at anomalya sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.
Sa datos na ibinahagi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, pumalo sa 1,148 na sumbong ang natanggap sa sumbongsapangulo.ph website sa unang tatlong araw ng operasyon ng naturang portal.
“As of August 11 to 13, 2025, may 84,892 total views, may 1,148 reports, at may 823 feedbacks,” ani Castro. Gayunpaman, tumanggi na magbigay ng detalye si Castro nang tanungin kung ano ang mga isinumbong ng mga mamamayan kay Pangulong Marcos.
Inilunsad kamakailan ni Marcos ang sumbungan website sa pagnanais alamin ang kakulangan ng pamahalaan, anomalya sa gobyerno at iba pang impormasyon sa ikabubuti ng mga sambayanang Pilipino.
