DESIDIDO si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bigyan ng kapangyarihan ang National Food Authority (NFA) na umangkat ng bigas mula sa ibang bansa sa hangaring puksain ang kartel na nag mamanipula sa presyo ng naturang produkto sa merkado.
Para kay Marcos, napapanahon na rin susugan ang Rice Tariffication Law para sa dalawang dahilan – kontrolin ang presyo ng bigas sa mga pamilihan at tulungan ang magsasaka laban sa mga ganid at mapagsamantalang negosyante.
“Kung pagbibigyan tayo ng ating Kongreso na makapag-import na [ang NFA], makikipagsabayan na ito. Ito naman talaga ang unang [dahilan] kung bakit itinayo ang NFA,” wika ni Marcos sa isang panayam.
Gayunpaman, nilinaw ng Pangulo na isa lang sa mahabang talaan ng mga solusyon ng gobyerno ang isinusulong na amyenda sa Rice Tariffication Law sa pagnanais itaas ang antas ng pamumuhay ng mga magsasaka.
“Marami tayong ginagawa,” ani Marcos kasabay ng pamamahagi ng certificates of land ownership award (CLOAs) at e-titles sa mga magsasaka sa Koronadal City sa lalawigan ng South Cotabato.
Kabilang rin aniya sa masusing pinag-aaralan ng gobyerno ang pagpasok ng mga tinawag niyang “weather-proof palay varieties” na aniya’y may kakayahang mabuhay kahit pa bayuhin ng delubyo para maiwasan ang pagkasalanta ng mga sakahan at tumaas ang antas ng ani ng mga magsasaka.
Pasok din aniya sa isinusulong ng gobyerno ang pamamahagi ng mga angkop ng makina para sa pagsasaka.
