SA pag-amin ni Bamban Mayor Alice Guo sa taong pwedeng magpaliwanag sa kanyang tunay na pagkatao, target ngayon ng Senado padaluhin sa congressional inquiry ang ama ng kontrobersyal na alkalde.
“Nasa sentro ng kontrobersiya ng kanyang nationality ay yung tatay niya. Kailangang mabigyang linaw kasi ang nakakatakot dito baka lumakas ang loob ng iba na magsinungaling sa pagkuha ng late registration,” pahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian sa isang panayam sa radyo.
Bukod sa sinasabing pekeng birth certificate, puntirya rin ng Senado ang negosyanteng ama ng alkalde na kinilala sa pangalang Jian Zhong Guo alyas Angelito Guo na nagpapasok ng laksa-laksang pera sa bansa mula sa China batay sa testimonya ng Bamban mayor.
Ayon kay Gatchalian, hindi lamang ang pekeng birth certificate ni Guo ang dapat ipaliwanag ni Jian Zhong Guo kundi maging ang posibilidad na pasok ang mag-ama sa money laundering matapos aminin mismo ng alkalde sa nakalipas na Senate hearing na galing sa sinasabing ama ang perang ipinambili ng helicopter, mga sasakyan at puhunan sa kabi-kabilang negosyo sa Bamban at iba pang lugar sa bansa.
Sa nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, naungkat ang pumasok na P6 bilyong ginamit para itayo ang 37 gusali ng Baofu Land Development Inc. na pinaniniwalaang isa lang sa mga negosyong ipinundar at pag-aari ni Mayor Guo.
Pag-amin ng senador, pasok na sa imbestigasyon sa tinawag niyang “dirty money” ang Anti-Money Laundering Council (AMLC).
“Gusto kong i-connect ito sa pagpunta ni Guo Jian Zhong sa China,” ani Gatchalian.
