KUNG seryoso ang gobyerno wakasan ang pamamayagpag ng mga dayuhan, higit na angkop isulong ang koordinasyon sa isinusulong na pagkansela sa birth certificates na iginawad sa mga foreign nationals na nagpapanggap na Pilipino para makapag negosyo sa bansa.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Blue Ribbon Committee chairperson Sen. Pia Cayetano ang plano ng Office of the Solicitor General (OSG) na kanselahin ang birth certificates na nakuha ng mga banyaga sa Pilipinas.
Para kay Cayetano, kailangan ng isang “proactive and sustained collaboration” sa hanay ng Philippine Statistics Authority, Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs, local government units, [partikular ang civil registries] para hindi na maulit ang nabistong bulilyaso ng mga Chinese nationals na nasa likod ng scam farms na ikinubli sa offshore gaming operations.
Noong nakaraang taon, naglunsad ng imbestigasyon ang senado sa hindi awtorisadong pagpapalabas at pagbibigay ng dokumento ng pamahalaan sa dayuhan kabilang ang certificate of live birth, passports, at tax identification numbers.
“The hearings exposed systematic fraud in our civil registration system, particularly through the issuance of birth certificates via late registration,” ayon kay Cayetano.
Tinukoy ni Cayetano ang dayuhang ang sangkot sa illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na nagsamantala sa kahinaan ng registration system. Nagbabala din ang mambabatas na hindi lamang sa illegal na dokumentasyon ang isyu kundi maging ang banta ito sa pambansang seguridad.
“The cancellation of these fraudulent documents sends a clear message: Philippine citizenship is NOT for sale,” ayon kay Cayetano.
Nitong Huwebes, inihayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na planong ibasura ang lahat ng illegal at pekeng birth certificates na nakuha ng dayuhan kasunod na total ban ng gobyerno sa POGO na sangkot sa krimen tulad ng human trafficking, illegal detention, and financial scams.
Pinag-aaralan din ng OSG kung paano kukumpiskhain ang nabiling ari-arian at iba pang yaman ng POGO.
Bukod sa ilang senador, sinuportahan din ni Cayetano ang tinatawag niyang “decisive step,” na direktang tinutugunan ang natuklasan ng Blue Ribbon Committee sa pagdinig nitong Marso at Agosto 2024.
“Our investigations revealed that Philippine citizenship was being sold, with some foreign nationals paying up to P300,000 for fake government IDs,” aniya. (Estong Reyes)
