MAGANDANG balita para sa mahigit 42,000 barangay chairman — walang magaganap na barangay election ngayong taon, ayon kay reelectionist Senator Imee Marcos.
Sa pagbisita sa mga baybaying bayan ng Pililla, Tanay at Baras, ibinahagi ni Sen. Imee ang pinakahuling kaganapan sa Senado at Kamara.
“Approved na in both chambers (Senado at Kamara de Representantes) ang panukalang pagpapaliban ng 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections… hindi pa nga lang nagkasundo kasi ang version namin sa Senado is gawing anim na taon ang termino nila. Sa ganung paraan, mapagtutuunan ang mga programa at proyekto sa mga komunidad.”
Sa isang panayam, tiniyak ng reelectionist senator na agad na tatalakayin ng Kongreso ang pinag-isang bersyon ng panukalang magbibigay-daan sa pinalawig na termino ng mga kapitan — gayundin ang mga miyembro ng Sangguniang Barangay at mga batang lider sa ilalim ng Sangguniang Kabataan.
Para kay Senador Imee na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms, higit na angkop bigyan ng anim na taong termino ang mga opisyales ng barangay para sa mas epektibong paghahatid ng serbisyo sa nasasakupang pamayanan.
“Ang totoo, wala naman pinag-iba ang trabaho nila sa ginagawa ng mga nasa munisipyo at city hall. Ang pagkakaiba lang, limitado ang tao nila, gayundin ang panahon para maisakatuparan ang kanilang mandato – ang maghatid ng serbisyo direkta sa mga tao.”
Enero ng kasalukuyang taon nang pagtibayin ng Senado ang Senate Bill 2816 na akda ni Sen. Imee. Sa ilalim ng SB 2816, anim na taon ang termino ng mga barangay chairman, mga kagawad ng barangay at maging ng mga lider kabataan sa ilalim ng SK.
Sa panig naman ng Kamara, apat na taon ang hirit na termino ng mga barangay officials.
Sakaling mapagkasunduan ang apat na taong termino para sa mga opisyales ng barangay, inaasahang idaraos ng susunod na BSKE pagsapit ng taong 2027. Kung susundin naman ang inapruhang SB 2816, gaganapin ang halalang pambarangay sa taong 2029.
“Ang sinisuro ko sa inyo, walang magaganap na BSKE ngayong taon,” pagtatapos ng reelectionist senator. (JIMMYLYN VELASCO)
