SA malaon at madali, kailangan matunton at madakip si Sarah Discaya na kabilang sa mga nakatakdang sampahan ng kasong kriminal kaugnay ng P96.5-milyong ghost project sa Davao Occidental,
Sa isang video, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na simulan ang paghahanap kay Discaya at iba pang dawit sa flood control scandal..
“Tutukan at bantayan ang kinaroroonan ni Sarah Discaya at iba pang indibidwal na kakasuhan ng malversation at graft ng Office of the Ombudsman.”
Kabilang sa mga kasong isasampa ng Office of the Ombudsman laban kay Discaya at iba pa ang malversation through falsification at paglabag sa Republic Act 3019 na mas kilala sa tawag na Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
“Nagrekomenda na ang Ombudsman ng pagsampa ng kaso para sa malversation through falsification at paglabag sa RA 3019 Section 3,” ani Marcos.
“Ang malversation ay non-bailable. Mabigat ito dahil hindi nila mababayaran ang kanilang paglaya,” dagdag pa niya.
Sa sandaling isampa ang mga kaso sa korte, agad na isusunod ang paglabas ng arrest warrant para sa mga pinangalanang indibidwal.
“Para paglabas ng arrest warrant ay maaresto rin sila kaagad,” wika niya.
Nagbabala rin ang Pangulo na marami pang mahaharap sa kaso — “Umpisa pa lang po ito. Marami pa tayong ipakukulong at marami pang magpa-Pasko sa kulungan.”
Nabatid na ang naturang proyekto ay ipinagkaloob sa St. Timothy Construction noong Enero 13, 2022 subalit hindi naumpisahan kahit kailan at walang anumang bakas ng paggawa.
Pineke rin aniya ang mga isinumiteng final billing, certificate of completion at ang inspection reports, maging ang mga video ay hindi tugma sa aktwal na kalagayan ng proyekto.
Sa naturang inspeksyon, inamin ni Davao Occidental district engineer Rodrigo Larete kay DPWH Secretary Vince Dizon na binayaran ang St. Timothy Construction Corp. ng P96.5 milyon noong October 2022.
Kabilang sa mga pinangalanan sa ghost project ay sina Discaya at Maria Roma Angeline D. Rimando mula sa St. Timothy construction; Larete, assistant district engineer; Michael Awa, section chiefs, project engineers, at inspectors sa DPWH Davao Occidental District Engineering Office.
Ihahain ang kaso sa Regional Trial Court sa Digos City, Davao del Sur. (JULIET PACOT)
