Ni Ernie Reyes
NAGHAIN si Senator Risa Hontiveros ng Proposed Senate Resolution No. 797, na naglalayong imbestigahan ang mga kaso ng panggagahasa, sekswal na pang-aabuso, sapilitang pagtatrabaho, at child marriage na isinasagawa ng isang kulto sa Socorro, Surigao del Norte.
Ang naiulat na kulto, na kinilala bilang Socorro Bayanihan Services, Inc. (SBSI), na kilala ngayon bilang Omega de Salonera, ay naniniwalang ang isang Jey Rence Quilario ang Mesiyas.
Ang organisasyon ay mayroon na ngayong 3,650 miyembro, kabilang ang 1,587 mga bata, na nakabase sa isang highly secured na lugar sa bundok na kilala bilang Sitio Kapihan sa munisipalidad ng Socorro.
“Nakakakilabot ang nabuong kulto sa Surigao. Pero mas nakakakilabot at nakakagalit ang mga kaso ng panggagahasa, pananakit, at pilit na pagkakasal na ginawa sa mga menor de edad. e must put an end to this. As Chairperson of the Senate Committee on Women and Children, and as a mother, I ask us not to allow this monstrosity to continue,” ani Hontiveros
Nakasaad sa PSR No. 797 na hango sa testimonya ng mga batang nakatakas, si Quilario, na kilala rin bilang Senior Agila, ang nagsasagawa ng sekswal na pang-aabuso at karahasan laban sa mga menor de edad.
Kabilang dito ang pag-uutos sa mga bata na sumiping sa kanya, pagpapadali ng pagpapakasal ng mga batang sa matatanda, at pagkukulong ng bata sa silid upang sila ay makisali sa mga sekswal na aktibidad.
“Last July, eight children ran away from the cult after repeated instances of abuse and exploitation. These children are in grave and present danger. Makapangyarihan at may impluwensya ang kulto. Ginagawa nila ngayon ang lahat para makuha mula sa LGU at DSWD ang mga bata. The children’s parents, who are still part of the cult, are asked to file petitions for habeas corpus, in order to recover the minors from the local government,” ani Hontiveros
“Ang malala, nagtagumpay na sila sa isang bata at plano nilang isa-isahin ang mga nakatakas na bata hangga’t sa bumalik sa kulto. Ang mga bata na po mismo ang nagmamakaawa na huwag na silang ibalik doon. Bakit nga naman nilang gugustuhing bumalik sa isang komunidad, sa isang lider na nanloloko, nanggagahasa, at nananakit sa kanila?” dagdag pa niya.
Ibinunyag din ni Hontiveros na ang mga miyembro ng kulto ay sapilitang pinagtatrabaho, at sinasaktan bilang kaparusahan. Sapilitan din nilang ibinibigay ang 40-60% ng kanilang mga social welfare benefits, tulad ng 4Ps, senior citizen pension, TUPAD, at AICS, kay Quilario.
“This sorcery should be stopped. Pati pera ng taumbayan napupunta sa kulto. Isang malaking scammer itong si Senior Agila. Huwag nating hayaang ipagkait niya sa libo-libong mga bata ang kanilang mga pangarap at kinabukasan. We need to save those children now,” pagtatapos ni Hontiveros.