Ni Lily Reyes
HINILING ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr. na mapatawan ng mas mabigat na parusa ang mga jaywalkers o ang mga taong tatawid sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) at C-5 Road.
Ayon kay Abalos, ito ay upang mapigilan ang mga pedestrian na tumawid sa naturang delikadong highway dahil mapanganib ito para sa kanila.
Kaugnay nito, hinikayat ni Abalos ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mga concerned local government units (LGUs) upang pag-aralan ang kanyang mungkahi.
Ipinaliwanag ni Abalos na ang EDSA at C-5 ay mga highway at mabibilis ang mga sasakyang dumaraan doon kaya’t delikado ang pagtawid doon ng mga mamamayan. Sinabi pa ni Abalos na umaasa siyang mapag-aaralan ito ng MMDA at hihikayatin ang mga LGUs na nakasasakop sa EDSA upang ipatupad ito.
Nabatid na kabilang sa mga LGUs na nakasasakop sa EDSA ay ang Caloocan, San Juan, Quezon City, Mandaluyong, Makati, at Pasay.
Samantala, suportado naman ni MMDA chairperson Romando Artes ang naturang mungkahi ng DILG chief upang magkaroon umano ng disiplina ang mga tao at sumunod sa batas-trapiko.
Tiniyak din ni MMDA chief na makikipagtulungan sila sa Department of Transportation (DOTr) sa paghahanap ng solusyon upang mapigilan ang mga tao sa pagtawid sa mga naturang highway at mailayo sila sa tiyak na panganib at kapahamakan.