SA hangarin bigyan linaw ang kabi-kabilang batikos, kinasahan ng Philippine National Police (PNP) ang isinusulong na imbestigasyon ng Senado kaugnay ng ginawang pagsalakay sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) Hub sa Las Piñas City kamakailan.
Para kay PNP Public Information Office Chief PBGen. Red Maranan, malaking bentahe sa PNP ang pagdinig sa Senado kung saan aniya maipapaliwanag ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang panig sa likod ng naglalabasang alegasyon.
Ayon pa kay Maranan, walang itinatago ang PNP sa naturang operasyon.
Una nang pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang di umano’y kawalang linaw sa imbestigasyon ng PNP-ACG, kung saan nasagip ang nasa halos 3,000 POGO workers at pagkahuli sa pitong puganteng Tsino.
Ani Tulfo, may mga impormasyon di siyang natangap hinggil sa di umano’y pamemera ng raiding team sa mga banyagang nadakip – at kalaunan ay pinakawalan.
Hindi rin aniya malinaw ang ginawang pagpapalaya ng ACG sa mga Pinoy na inabutan sa POGO Hub.
Hindi rin pinalampas ng senador ang kabagalan ng Bureau of Immigration (BI) sa pagpoproseso sa mga nasagip na POGO workers.