
INIHARAP sa mga mamamahayag kaninang hapon ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa mga suspek sa pananambang sa pamilya ng isang photojournalist sa Quezon City kamakailan.
Kinilala ni QCPD Director Brig. Gen. Nicolas Torre III ang 32-anyos na suspek sa pangalang Eduardo Legaspi Jr. na dinakip sa isang sabungan sa Muntinlupa City noong Hulyo 7.
Ayon kay Torre, umamin di umano si Legaspi na siya ang nagsilbing spotter at isa rin sa mga gunman na nakilala ng biktimang si Rene Joshua Abiad, photographer ng Remate Online.
Sa interogasyon, itinuro ni Legaspi ang isang dating barangay captain sa Pasay City na siyang utak ng pananambang.
Kinilala lamang ang umano’y mastermind bilang si ‘Kap Nanad’.
Ayon kay Legaspi, binayaran sila ng P100,000 para isagawa ang krimen at P15,000 ang naging parte niya bilang spotter.
Sinasabing personal na away sa pagitan nina Abiad at Kap Nanad ang motibo ng pananambang..
Ani Torre, pinaghihinalaan ni Kap Nanad si Abiad na naninira sa at nagpapakalat ng maling impormasyon sa media hinggil sa kanyang pagkatao
Bukod kay Kap Nanad, patuloy pang tinutugis ang iba pang mga suspek na nakilala sa mga alyas ns ‘Oca,’ na nadismiss na pulis-Maynila, ‘Greg’, ‘Juan,’ ‘Marlon,’ ‘Esboy’ at isang alyas ‘Alexis.’
Hawak na ng QCPD ang mga litrato ng mga suspek, maliban lamang kay alyas ‘Greg,’ na siya naman ang nagsilbing middle man sa krimen.
Samantala, itinanggi naman ng peryodistang si Abiad na may kilala siyang Kapitan Nanad ng Pasay City, kasabay ng giit na hindi siya nagagawi sa naturang lungsod.
Bukod kay Abiad, sugatan din ang kapatid niyang lalaki at 8-anyos na pamangkin habang hindi naman pinalad na makaligtas ang isa pang pamangkin — ang 4-taong gulang na si Resse Cairi Abiad na nahagip ng bala sa ulo.