Senate President Francis Escudero, knight in shining armor nga ba ni Vice President Sara Duterte? (Photo lifted from GMA News)
NAGPAALALA si House impeachment panel spokesperson Atty. Antonio Bucoy sa mga senador o tatayong senator judges sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte na sila ay nanumpa na maging patas at marapat na tuparin ng mga ito ng tama ang kanilang tungkulin ayon sa itinatakda ng Saligang Batas.
“We will give them the benefit of the doubt, sapagkat alam naman nila ‘yung batas. Alam nila kung ano ang ginagawa nila. Nanumpa sila, they will administer impartial justice. Ngayon tignan natin kung talagang tutuparin nila yung pinanumpaan nila to deliver impartial justice,” pagbibigay-diin ni Bucoy.
Ginawa ng abogadong mayroong higit apat na dekadang karanasan bilang litigation at human rights lawyer ang pahayag bilang tugon sa tanong kung ano ang gagawin ng House prosecution panel sa mga senador animo’y kumikiling o umaaktong tagapagtanggol ng bise presidente.
Sinabi ni Bucoy na nasa pagpapasya ng bawat senador judge kung siya ay mag-i-inhibit o hindi sa paglilitis at maaari hindi naman hilingin ng prosekusyon ang pag-inhibit ng partikular na senador lalo na kung ito magpapaantala lamang sa proseso.
“Pinag-uusapan po yan. Subalit kung ito ay magiging dahilan para maantala, siguro isang tabi na lang yan. Anyway, ilalahad ng ebidensya, ipapakita sa mga hukom, makikita ng publiko, nasa sa kanila yan. Kung kahit malakas ang ebidensya, mag-a-acquit pa rin sila, sinong huhusga? Ang bayan,” ayon pa sa 1984 graduate ng University of the Philippines (UP) College of Law.
Binigyang-punto rin ni Bucoy na kapag umusad na impeachment trial, mayroong ‘gag order’ o pagbabawal na magbigay ng mga opinyon, paglalabas ng mga pahayag ukol sa merito ng kaso ang prosecution, ang depensa, pati na ang mga hukom.
Sinabi rin niya na umaasa ang panig ng prosekusyon na pagbabatayan ng mga senador ang ebidensyang ihaharap laban kay VP Duterte sa paglalatag ng patas na paghuhusga. “
”Yun pong kumikiling, umaasa kami that the evidence will convince them to be impartial and to vote. Kung kinakailangang mag-convict, they will convict. Kung kinakailangang mag-acquit, they will acquit. Lahat po ay depende sa ilalahad na ebidensya. So, para sa akin, let’s give them the benefit of the doubt,” ani Bucoy. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
